Mula nang aking nakamulatan, ang mga mamamayan ng Pateros, pati na ng mga karatig-bayan at kahit ng malalayong lugar tulad ng Laguna, Rizal, Quezon at Bulacan, ay buong pananabik na hinihintay ang ikalawang araw ng Linggo tuwing buwan ng Pebrero. Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ang kapistahan ni Santa Martha, pintakasi ng mga ina at ng mga maybahay. At sa mga deboto nya sa Pilipinas lalo na sa bayan ng Pateros, siya ang tagapangalaga at tagapagtanggol ng mga mag-iitik at magbabalut.
Hindi na siguro malalaman pa kung paano at kailan nangyari na ang pintakasi ng barrio ng Aguho ay siyang ipinagdiriwang ng buong bayan ng Pateros gayung ang parokya ay nasa pangangalaga ni San Roque. Marahil siguro dahil sa ang pag-iitik at pagbabalot ay di lamang sa Aguho ginagawa. Marahil ay dahil sa mas makulay ang mga alamat at kuwento ng himala na pumapaligid kay Santa Martha, at mas masaya ang pagdiriwang ng kanyang kapistahan kung ihahambing sa taimtim na prusisyon para kay San Roque. Kung anut-ano man ang dahilan, di maikakaila na napamahal na si Santa Marta sa mga taga-Pateros, at ang kanyang kapistahan ay naging masayang bahagi na ng ating kasaysayan bilang isang bayan. Sa mahabang panahon, ang Pateros ay naging tanyag ng dahil sa tatlong bagay – ang balut, ang tsinelas na alfombra at ang pista ni
Ngunit sa pagdaan ng panahon, nagbago ang anyo ng bayan ng Pateros. Dumami at lumaki ang mga gusali, naglipana ang mga sasakyan at nagmistulang kumipot ang mga lansangan bagaman ang karamihan sa mga ito ay niluwagan pa man din. Dumagsa ang mga tao galing sa ibat-ibang lugar. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, ang Pateros ay nagsumikap na mapanatili ang kanyang mga nakagisnang tradisyon. Ngunit sadyang mapanukso ang pagkakataon, at ang mga salin-lahi ay unti-unti ng nakalimot sa nakaraan. Kasabay ng pagsikil sa daloy ng tubig at tuluyang pagkamatay ng ilog ng Pateros, ay unti-unti na ring naglaho ang mga nakagisnang tradisyon – mga tradisyong nagbigay ng karakter sa ating bayan at kulay sa ating kalinangan.
Marami ang nagsikap na sa kabila ng nakatambak na basura at ng maitim at mabahong tubig, ay maisakatuparan pa rin ang pagoda sa ilog. Naaalala ko pa ang di mabilang na pagtatangka na hukayin muli at palalimin ang ilog, ang paghawan sa mga mapanupil na water lilies upang mairaos ang pagoda. Sa huli ay wala ring nangyari, dahil na rin sa ningas-kugon na pagkilos ng pamahalaan at ang pagwawalang bahala ng mga mamayan. Pinatay natin ang ilog na nagbigay kabuhayan sa ating mga ninuno at nagbigay ng malaking katanyagan sa ating munting bayan.
Dahil na rin sa pagsisikap ng simbahan na maituwid ang sa palagay nila ay di angkop na pagdiriwang ng kapistahan ng bayan, ilang kura-paroko at mga pinunong layko na ang nagtangkang baguhin ang paraan ng pagdiriwang. Ngunit ang lahat ng mga pagtatangkang maituwid ang pamamaraan ng pagdiriwang ay nauwi lamang sa pagkalito at pagkakanya-kanya ng mga barrio sa kanilang pagdiriwang ng pista. Nakalulungkot mang isipin na sa halip na ang mga pagbabagong hinangad ay magbunga ng kaayusan at pagkakaisa, ito ay nauwi sa di pagkakasundo at pagkalimot sa ating mga tradisyong kinamulatan.
Nuong Sabado, ika-9 ng Pebrero 2008, ay muling binuhay ng gating mga pinuno ang tradisyon ng pagoda. Ngunit dahil sa ang ilog ay di na dinadaluyan ng tubig, ang pagoda ay idinaos sa lansangan. Sa halip na mga bankang naglalayag sa ilog Pateros, mga sasakyang pinalamutian na animo’y magagarang bangka ang pumalaot sa mga pangunahing lansangan ng Pateros. Di iilan ang natuwa sa pangyayaring ito, at kitang-kita sa mga nanood ang kaligayahan sa nasaksihang kakaibang parada. At lalo akong nasiyahan ng bago mag-umpisa ang Pandangguhan nung gabi ring iyon ay inihayag ang pagkakatatag ng Pateros River Basin Organization. Ayon sa pahayag, ang samahang ito ay magbubuklod sa ibat-ibang sektor ng bayan upang bumalangkas ng mga palatuntunang naglalayon na buhayin muli ang ilog ng Pateros.
Dapat papurihan ang mga namuno sa hakbangin na ito, sapagkat ito ay magandang panimula upang maisaayos ang ating bayan. Ang ilog ng Pateros ay simbolo ng ating bayan, ang nagbigay ng kabuhayan sa kanyang mga mamamayan at nagsilang at nagkanlong sa kanyang mayamang kultura at tradisyon. Ang muli nitong pagkabuhay ay magsisilbing inspirasyon at hudyat tungo sa magandang pagbabago sa ating bayan. Sa pag-agos muli ng tubig sa ating ilog ay babangon muli ang Pateros. Dahil sa pangyayaring ito ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang pagdiriwang ang nakaraang pista. Naniniwala ako na sa pagtutulungan ng pamahalaan, ng simbahan at ng mga mamamayan, matutunghayan muli ang pagoda sa ilog sa darating na panahon.
Sayang nga lamang at nuong nagpirmahan ay hindi naihayag ang kabuuan ng Memorandum of Agreement para sa Pateros River Basin Organization.
Bilang mga mamamayang nagmamalasakit sa bayan, katungkulan nating makibahagi sa anumang paraan sa pagtataguyod ng magandang hangarin ng bagong samahang ito. Bilang mapanuring tagapagmasid sa mga nangyayari, katungkulan din nating suriing mabuti ang palatuntunan at ihayag ang anumang mga katanungan at agam-agam. Sana nga ay ito na ang simula ng pagtutulungan ng lahat ng kinauukulan tungo sa maayos, malinis at maunlad na bayan ng Pateros.
* You-Tube video of Pandango ni Sta Marta is from the post of Elmer Nocheseda, while that of the Pagoda sa Daan is from the post of Charmaine Camilo.
1 comment:
WOW. What a great post! Your Tagalog is exact, profound and rich, very Pateros. Too bad this is not the way the language is spoken these days.
Post a Comment