Tinig ng dagat ay awit
haplos ng alon ay gabay.
Saan nga ba patutungo
yaring paglalakbay sa buhay?
Malalayong lupain ay tinanaw
kapalaran sa kanila ay isinugal.
Bakit ang sariling dalampasigan
ay naging maramot sa kasaganahan?
Sa kalawakan ng karagatan
lambat ay tila walang katuturan.
Paano nga bang makikibahagi
sa yaman kundi sa pagpupunyagi?
Malupit na unos ay di alintana
sa Poong Maykapal ay manalig.
Dito sa ating pamamalakaya
tanging sandigan ay pananampalataya.
Sa kadiliman ng kalawakan
mga bituin tila nagmamatyag,
umagang kay gandang bukang-liwayway
sa dalampasigan doon ay naghihintay.
Sulong mga mamamalakaya!
Kirot ng braso’y di alintana
ang paglalayag sa karagatan
hatid ay mithing kasaganahan.
Mapalad ako na magkaroon ng pagkakataon na makapagtampisaw sa malinis na ilog ng Pateros nuong aking kamusmusan. Kasama ng aking dalawang kapatid na babae, madalas kaming dumalaw sa bahay ni Ti' Leony sa Aguho, sa may pangpang ng ilog. Duon ay naliligo kami at naglalaro. Kung minsan ay lulan ng bangka, binabaybay namin ang kahabaan ng malinis at malawak na ilog. Ang dako ng Fort Bonifacio ay isang malawak na bukid, di gaya ngayon na siksik ng kabahayan at nagtatayugang mga gusali. Ang dako naman ng Pateros ay may mga itikan at munting taniman ng gulay. Sa isang mababaw na bahagi ay maaaninag ang mga isdang kumpol-kumpol. Malinis, masagana at kaaya-aya ang ilog.
Ngunit sa paglipas ng panahon ay nagbago ang lahat. Masikip, marumi at sa ibang bahagi ay tuyo na ang ilog. Wala na ang mga isda, at wala na rin ang mga itik. Wala ng namamangka, bagkus ang ilog ay maaari ng lakaran. Sa halip na tubig, basura ang makikita sa ilog. Saan pa ba tutungo ang mamamalakaya? Katulad nila, ang mga mamamayan ay sa ibang dako na sumusulyap ng pag-asa. Nililisan ang ating munting bayan upang hanapin ang kapalaran sa ibang karagatan. Kasama ng milyong-milyong Pilipino, ang mga taga Pateros ay sumubok ng kanilang kapalaran sa lahat ng sulok ng daigdig. Tulad ng ating ilog, ang ating bayan, ang ating bansa, ay unti-unting natutuyo, dumurumi at namamatay dahil sa ating kapabayaan. Sana, ang mga naiwan ay magpursiging maibalik ang buhay at sigla, at sa pagbabalik ng mga kababayan ay di na sila makasumpong muli ng dahilan upang lumisan at mangulila sa ibang karagatan.
Naging maramot ba ang sariling bayan? O tayo ba'y nagpabaya sa ating kinabukasan?
No comments:
Post a Comment