Saturday, March 29, 2008

Ika-108 Taon ng Bayan ng Pateros


Isang malaki at masayang pagdiriwang ang inihanda ng pamunuang bayan para sa ika isang daan at walong kaarawan ng pagkakatatag ng bayan ng Pateros. Tulad ng mga nakaraang taon, ang kahabaan ng Kalye B. Morcilla as isinara sa lahat ng uri ng sasakyan, at sa magkabilang dulo nito ay nagtayo ng mga entablado. Sa gabi ng Sabado, ika dalawamput-siyam ng Marso, ay maghahalinhinan ang mga sikat na banda sa pagtugtog para sa ikaaaliw ng mga mamamayan at mga bisita. Naglagay din ng mga mesa at upuan sa kahabaan ng kalsada, at may mga kubol kung saan makakabili ng mga pagkain na sa Pateros lamang matatagpuan.

Syempre pa, hindi mawawala ang sikat na produkto ng Pateros, ang balut. Bukod dito, mayroon ding penoy at ang mabaho ngunit napakasarap na abnoy. Para sa mga hindi nakakaalam, ang abnoy ay gawa sa mga itlog ng itik na sana ay gagawing balut ngunit sa kasamaang palad ay nasira bago pa umabot sa kaganampan. Dahil sa ito ay maitutuling ng bugok, mabaho at maalisangsang ang amoy ng hilaw na abnoy. Ngunit maparaan ang mga taga-Pateros, at di hahayaang masayang ang itlog kahit ito'y bugok. Matapos haluan ng kamatis, sibuyas at kimchay, ang bugok na itlog ay naging bibingkang abnoy. Sa saliw ng maanghang na suka, ito ay masarap na ulam sa mainit na kanin, o di kaya'y kakaibang pulutan. Maaring di nyo magustuhan ang amoy sa unang pagkakataon, ngunit sa minsang pagkakataong inyong masubukan ay tiyak na di na malilimutan!

Pagkakataon na rin upang matikman ang ibat-ibang kakaibang pagluluto ng itik sa Pateros. Bukod sa piniritong itik, ito ay ginagawa ding adobo sa gata at kaldereta. Ang adobo sa gata ay hinahaluan ng maraming bawang, at pagkatapos as pinakukuluan ng matagal gamit ang marahang apoy hanggang ang sa gata ay halos matuyo na. Samantala, ang kaldereta naman ay hinahaluan ng sili, kinatas na kamatis at binurong pipino (pickles). Ang aking paborito ay yaong mga lutuing sinahugan ng maraming lamang loob gaya ng atay at balun-balunan. Ngunit, hindi lahat ay maaring makapagluto ng itik, dahil kinakailangan ang matiyagang paghahanda nito upang maalis ang lansa ng karne. Medyo may kakunatan din ito, kaya kailangan pang palambutin. Subalit sa oras na ito ay maluto na at inyong matikman, tiyak na hahanap-hanapin kahit na sumakit pa ang inyong batok dahil sa kolesterol.

Mayroon pang isang pagkain na katutubong Pateros ngunit bihira ko ng makitang iniluluto. Ito ay ang Ukbo. Ang ukbo ay mga sisiw at pulang bahagi ng balut na sumobra sa araw. Kapag masyadong malaki at buo na ang sisiw, ito ay di na maaring gawing balut. Ang sabi ng mga matatanda, ang ukbo ay di maaring ipagbili ng mga magbabalut, bagkus ito ay ipinamimigay sa mga kaanak at kaibigan. Dahil may kamag-anak na may balutan, ay nagkaroon ng maraming pagkakataon na makapagluto ng ukbo ang aking Nanay. Iniluluto ito na parang menudo, at ang maliliit na bahagi ng katawan ng sisiw ay nahahalo sa mga pula ng itlog. Maaring di magustuhan ng mga maseselan ang hitsura nito, ngunit para sa akin ito ang isa mga pinakamasarap na niluluto ng aking Nanay na hanggang ngayon ay nasa aking ala-ala.

May ngiting namumutawi sa aking mga labi tuwing maaalala ko ang isang pangyayari sa aking kabataan. May nagbigay ng ukbo sa aking Nanay at ang mga itlog ay kanyang inilagay pansamantala sa reprigereytor. Nung ako ay bata pa ay nakatoka sa akin ang paglalagay ng inuming tubig sa mga bote na inilalagay naman sa reprigereytor upang lumamig. Nang aking buksan ang reprigereytor, nakarinig ako ng mahinang "tik! tik! tik!" mula sa loob. Hinanap ko sa paligid ang pinagmumulan ng munting ingay at ito ay natunton ko sa bungkos ng mga itlog na nasa bandang ibaba ng reprigereytor. Sinipat ko ang mga ito at inilapit ang aking tainga upang matukoy ang pinagmumulan ng ingay. Laking gulat ko nang ang isa sa mga itlog ay mag-umpisang mapisa at ang "tik!, tik!, tik!" ay napalitan ng "kwak!, kwak!, kwak!"

"Nanay! Nanay! Nanay! May sisiw sa loob ng reprigereytor!" Kinuha namin ang itlog at hinayaang makalabas ang bagong silang na itik. Nanlaki ang aking mga mata habang masusing binantayan ang pagsubok ng munting itik na tumayo at maglakad. Napansin kong hirap itong tumayo, at lalong hirap na humakbang. Ito pala ay may kapansanan. Pilay ang aking sisiw. Ngunit sa kabila nito, siya ay nakalakad pa rin, kahit na iika-ika. Naging mas kakatuwa nga ang kanyang paglalakad at pagtakbo dahil wari'y lagi itong umiindak. Maraming araw ang aming pinagsamahan ng aking ukbong nakaligtas sa kawali, at kahit na ito'y may kapansanan ay naging bahagi ng isang makulay at masayang yugto ng aking kabataan.

Isang-daan at walong taon na pala ang aking bayan. Bawat salin-lahi ay may kanya-kanyang ala-ala ng bayang nagkanlong sa amin. Magmula ng ito ay isa lamang nayon ng Pasig, o ng Taguig, o bilang isang bayang may kasarinlan, mag-iba man ang hugis at anyo ng kanyang kasaysayan ay mananatili itong kumukupkop at nagkakanlong sa kanyang mga mamamayan. Marami ng nagdaang mga unos - bagyo, baha, lindol, sunog, mga himagsikan at digmaan, ngunit ang maliit na bayan ng Pateros ay buong giting na pinangangalagaan ang kanyang kasarinlan, kultura at tradisyon. Sa kabila ng malawakan at mabilis na pagbabago at pag-unlad, nawa'y manatili itong mapayapa, maayos at hitik sa kultura at kasaysayan.

Isang masayang pagpupugay sa iyong ika-108 na kaarawan, mahal kong Bayan ng Pateros!

* Image of an early Pateros Seal when the town was still part of the Province of Manila is from the photo collection of Elmer Nocheseda.

No comments: