San man tayo naroroon ngayon, tayo ay mananatiling dugong Pilipino. Ito ay ang dugong ibinuhos ng ating mga ninuno habang sila ay naninilbihan sa ilalim ng mga dayuhang mananakop. Ito rin ang dugong ibinuwis ng ating mga bayani at mga martir upang ang ating kalayaan ay makamit na ng tuluyan. Ito ay ang dugo ng kabayanihan na patuloy na nananalaytay sa ating mga ugat at dumadaloy sa ating mga puso at isipan.
Ibat-iba man ang landas na tinahak ng bawat isa sa atin, sa puso at damdamin nawa’y manatiling wagas ang ating pagmamahal sa bayang ginigiliw. Nagbago man ang kapaligiran, mamutawi man sa ating mga labi ang mga banyagang salita, sa ating diwa nawa’y patuloy na nag-aalab ang marubdob na pagnanasa na masilayan ang isang umaga sa ating bayan na tigib ng pag-asa, pagkakaisa, kapayapaan, katarungan at kaunlaran para sa lahat.
Hindi pa lubos ang kalayaan, di pa sapat ang kaunlaran, mailap pa rin ang kasaganahan para sa lahat. Ang pakikipaglaban na sinimulan ng ating mga bayani ay di nagtatapos sa kanilang mga huling hantungan. Ang tunay na bantayog ng kagitingan ay hindi gawa sa bato o sa metal, kundi sa mga mumunting kabayanihan ng bawat isa sa atin. Bawat isa sa atin ay bayani, bawat isa ay Pilipino!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment