Sa mga ibang pagkakataon na ako ay nakapanuod ng prusisyon ni Santa Marta ay nakalulungkot na kakaunti na ang sumusunod sa tunay na Pandanggo. Ito ay isang banal na pagdakila sa Pintakasi sa pamamagitan ng pagsasayaw. Sa maraming pagkakataon, mas nabibigyan ng pansin ang pagaagawan sa mga pasubo na nanggagaling sa mga bahay na dinaraanan ng prusisyon. Ang mga madlang kasama sa prusisyon ay tila di na alintana ang pagpupugay, kundi ang mapuno ng pagkain ang kanilang mga bitbit na bayong, kahon at iba pang mga sisidlan.
Ngunit ang prusisyong ito ay naiiba. Nakatutuwang pagmasdan ang pagsasayaw ng Pandango na mas nalalapit sa ala-ala ng mga pandanguhan nuong mga nakaraang panahon. Yaon ang mga panahong naka-patadyong at salakot ang mga mananayaw, may sinusunod na indak at indayog, at sinasaliwan ng tunay na mga musikero at ng hindi ng basag na tunog ng isinaplakang Paru-parong Bukid.
Kaunti man ang mga dumalo, maayos at kaaya-aya ang kakaibang pagpupugay ng mga kalahok sa prusisyon. Maayos ang pagsasayaw, buong galang ang pag-indayog sa anda ni Santa Marta at walang patid ang pagtugtog ng banda. Sa pag-alaala ng nakalipas, at sa pagmamasid sa pagsisikap ng mga kalahok na maibalik ang tunay na diwa ng Pandango para kay Santa Marta, di maiwasang mangilid ang mga luha sa aking mga mata, kalakip ang isang taimtim na panalangin na nawa'y patuloy na patnubayan ng Poong Maykapal, sa pamimintuho ni Pintakasing Santa Marta, ang ating pinakamamahal na bayan ng Pateros.
Viva Santa Marta!