Hindi masama ang maghanapbuhay. Sa katunayan, dapat lamang na ang bawat isa sa atin ay mayroong pinagkakakitaan. Ngunit ang bawat galaw natin ay dapat nasa tama at walang ibang minumolestiya. Ito lamang ang tama at makatarungang paraan upang lahat tayo ay mabuhay ng marangal, mapayapa at maunlad dito sa ating bayan.
Bilang isang mamamayan ng Pateros, nais ko pong idagdag ang aking munting tinig sa dumaraming hinaing ukol sa lumalalang kalagayan ng trapiko sa ating bayan, lalo na sa Poblacion.
Una, hindi dapat payagan ng pamahalaan ang anumang uri ng terminal ng jeep, ng FX o ng traysikel sa anumang bahagi ng mga lansangan. Ang mga lansangan ay ginawa upang daluyan ng mga sasakyan, hindi upang gawing garahe o terminal. Napakaliliit na nga ng ating mga kalye, ginawa pang terminal ang halos bawat kanto. Ang sino mang magsabi na walang terminal sa mga lansangan ay bulag sa katotohanan. Mayroong mga nagsasabi na ang mga terminal na ito ay hindi ilegal dahil pinahintulutan ng munisipyo. Kung mayroon mang ordinansa na nagpahintulot sa mga terminal na ito sa lansangan, dapat lamang na ang mga ordinansang ito ay ipawalang-bisa sapagkat ang mga ito ay ilegal at hindi naaayon sa pangkahalatang kapakanan ng mga mamamayan. Ang mga lansangan ay para sa kapakanan ng lahat, at hindi ng iilan.
Pangalawa, hindi dapat payagan ang mga may tindahan sa tabi ng kalye, lalo na sa Poblacion at sa iba pang pangunahing lansangan, na magpatuloy sa pangangalakal kung wala silang sapat na lugar kung saan maaaring manatili ang kanilang mga kostumer. Dahil sinagad ang tindahan sa kani-kanilang mga boundary, ang mga kostumer ay napipilitang manatili sa bangketa, at ang mga pedestrian ay walang magawa kundi maglakad sa kalye at makipag-agawan ng espasyo sa mga sasakyan. Higit pa sa una, hindi dapat payagan ang mga ilegal na pagtitinda sa mga bangketa. Pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga may-ari ng mga tindahang ito na magnegosyo ngunit hindi para makapuwerhisyo sa mga tao.
Pangatlo, kailangan ng disiplina para sa mga mamamayan. Huwag sumakay sa mga jeep or traysikel na nakakaabala sa daan. Huwag bumili sa mga tindahang nakabara sa mga bangketa. Maglakad lamang sa tamang lugar, huwag sa lansangan. Kung walang tatatangkilik, maaaring matutong lumugar sa tama ang mga pasaway na driver. Konting tiis sa paglalakad at matatamo natin ang bepisyo ng maayos na daloy ng trapiko. Ang mga paaralan tulad ng Pateros Catholic School at Pateros Municipal High School ay dapat tumulong sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapaalala sa kanilang mga mag-aaral ng wastong ugali at pamamaraan ng paggamit ng ating mga lansangan. Kung gagawin ng tama ng mga bata, baka sakaling mahiya ang mga matatanda.
At ang huli at ang pinakamahalaga, dapat may political will ang pamahalaan upang ipatupad ng patas ang mga batas trapiko. Hulihin at tiketan ang mga lumalabag na driver. Pagsabihan ang mga mamamayang naglalakad at nakatigil ng wala sa lugar. Gawing "no parking" zone ang Morcilla St. Huwag pahintulutan ang mga jeep at traysikel terminals sa mga lansangan. Bakit nga ba sa dinami-dami ng mga traffic enforcers na nakakalat sa bayan ay para bagang wala silang magawa sa mga driver na ayaw sumunod sa kaayusan? Mag-compute tayo: sa bawat jeep or traysikel na pumapasada sa Pateros ay mayroong 2 o 3 na driver, sa bawat driver ay mayroong 5 hanggang 10 na kapamilya na maaaring bumoto. Hindi ba nakakatakot na banggain ang ganitong karaming mga botante? Kailangan natin ng malawakang programa upang hindi lamang maisaayos ang ating mga lansangan, kundi maisaayos din ang kabuhayan ng ating mga kababayang umaasa sa mga hanapbuhay na maapektuhan. Sa huli, ang lahat ay dapat makinabang sa anumang pagbabago tungo sa kaayusan ng ating bayan. Kailangan lamang ay ang paninindigan at tapang ng loob na maisakatuparan ang mga pagbabago.
Taga Pateros po ako. Disiplinado at may kapwa-tao!
Saturday, August 22, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)